Hindi otorisado si Cathy Binag, ang kinakasama ngayon ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo, na magsalita para sa Tagum Agricultural Development Company Inc. o TADECO, affiliates at sa pamilya Floirendo.
Sa isang statement, nilinaw ni Vicente Floirendo, ang senior vice president at chief operating officer ng TADECO, na hindi konektado si Binag sa kanilang kumpanya.
Lahat aniya ng pahayag ni Binag na inilalabas sa media, verbal man ito, written o kahit sa anong paraan, ay maituturing na sariling opinyon nito at walang pahintulot ng TADECO at pamilya Floirendo.
Ang TADECO ay nasa gitna ng kontrobersiya kasunod ng paghahain ni House Speaker Pantaleon Alvarez ng reklamo laban kay Rep. Floirendo sa Office of the Ombudsman at pagpapa-imbestiga ukol sa umano’y kwentiyunabkeng kontrata ng kumpanya sa Bureau of Corrections para sa taniman ng saging sa Davao Penal Colony.
Gayunman, bukod sa kaso ay lumutang ang usapin ng personal na relasyon nina Alvarez at Floirendo dahil umano sa away ng kani-kanilang girlfriends.
Naglabas ng statement si Binag kung saan kanyang inamin ang away sa kasintahan ni Alvarez na si Jennifer Vicencio, na nangyari sa Maskara Festival sa Bacolod noong nakalipas na tao.