Hindi pa agad na maibibigay sa mga miyembro ng kadamay ang mga inagaw na pabahay sa mga pulis at sundalo sa Bulacan.
Paliwanag ni Cabinet Secretary Leoncio “Jun” Evasco na siya ring Chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), sasailalim pa sa pagsusuri ang mga miyembro ng kadamay kung kwalipikado silang magawaran ng pabahay.
Aalamin ni Evasco kung nagawaran na ng housing unit noon pero ibinenta o ipinauupa lamang sa iba.
Ayon kay Evasco, may legal question din sa paglilipat ng housing title dahil unang nailaan ang pondo sa mga sundalo at pulis.
Kaya kailangan daw maisaayos muna ang proseso at masunod ang batas upang hindi sila makasuhan ng technical malversation of funds kung basta na lamang ilipat ang pagmamay-ari ng mga pabahay sa Kadamay.
Basta malinaw umano ang guidance ni Pangulong Duterte na pag-aralang mabuti ang sitwasyon upang maiwasan ang gulo at hindi matugunan ang pangangailangan ng mga aniya’y ‘poorest of the poor’ o ang pinakamamahurap na pamilyang Pilipino.