Erap, tinukoy si Grace Poe bilang “Susunod na…”

Aug 20 The King 76th bday via Aries Hegina
Kuha ni Aries Hegina/Inquirer.net

Pasimpleng inendorso ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada si Sen. Grace Poe bilang susunod na pangulo ng bansa.

Sa pag-gunita ng ika-76 na kaarawan ni “Da King” Fernando Poe Jr. sa Manila North Cemetery kahapon, umakyat sa entablado si Erap para i-anunsyo ang presensya ni Grace na anak ng kaniyang matalik na kaibigan.

Bago banggitin ang pangalan ni Grace, ginamit ni Erap ang mga katagang “Susunod na…” para ipakilala ang senadora na agad sinundan ng mga taong naroon ng pagsigaw ng salitang “Presidente” na nag-mistulang pasimpleng pag-endorso kay Grace bilang kandidato sa pagkapangulo.

Dumagsa sa pagdiriwang ang mga supporters ni FPJ sa pelikula at sa pulitika, na mga supporters rin ni Grace Poe.

Maraming sa kanila ay may dalang mga banners na may nakalagay na “Takbo Poe”, “GP2016 race” at isa ring tarpaulin na pinirmahan ng mga supporters na umaapelang tumakbo si Grace sa pagka-presidente kasama si Chiz Escudero bilang kaniyang bise presidente.

Lubos na nagpasalamat ang senadora sa mga natanggap niyang suporta, pero iginiit niyang ang araw na iyon ay nakalaan para sa kanilang pamilya, mga kaibigan at supporters para gunitahin at alalahanin ang yumaong action star at King of Filipino Movies./Kathleen Betina Aenlle

Read more...