Jinggoy hindi pinayagan na dumalo sa birthday ni Erap

Jinggoy Erap
Inquirer file photo

Tinutulan ng Office of the Ombudsman ang hiling ni dating Senador Jinggoy Estrada na makapunta sa 80th birthday ng kanyang ama na si Manila City Mayor Joseph Estarada.

Sa pitong pahinang oposisyon, binanggit ng proseksyon na walang isinumiteng patunay si Estrada na magdiriwang talaga ng kaarawan si Mayor Erap sa darating na April 19.

Sa naunang mosyon ni Estrada sa Sandiganbayan 5th division, nais niyang makalabas ng PNP detention facility simula April 18 hanggang 19, para umano makibahagi sa preparasyon sa birthday party ng tatay.

Subalit ayon sa prosekusyon, sa kasalukuyang sitwasyon ni Estrada at base na rin sa umiiral na batas ay hindi pinahihintulutan ang kahalintulad na request.

Dagdag ng prosekusyon na kapag pinayagan si Estrada, maaaring lumikha ito ng masamang impresyon sa publiko na porke’t dating mataas na opisyal ng pamahalaan ang akusado ay pinapaburan na ito.

Ipinunto pa ng prosekusyon ang dating rulings ng korte na tumangging pagbigyan ang hiling na furlough ni Estrada para dumalo sa kaarawan ng kanyang ina na si dating Senadora Loi Estrada.

Si Estrada ay nakakulong sa Camp Crame at nililitis ng korte dahil sa kasong plunder kaugnay sa pork barrel scam.

Read more...