Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi lang ang confidential memo ng tatlong nakaaway na undersecretaries ni Sueno ang naging basehan ng pangulo.
Ayon pa kay Abella, nagsagawa ng sariling imbestigasyon si Pangulong Duterte at huwag kalimutang siya ay abugado.
Nabanggit pa ni Abella na sa unang bahagi ng Cabinet meeting, tinanong ni Pangulong Duterte kaugnay sa paratang kay Sueno pero sa katapusan o sa closing remarks ng pangulo nito inianunsyo ang desisyong paaalisin na sa gabinete ang kalihim.
Nagkaroon pa daw ng konting sagutan o palitan ng pahayag sina Sueno at Pangulong Duterte pero hindi naman nagkainitan.
Matapos naman sibakin sa puwesto si Sueno, lumutang ang haka-haka na posibleng si dating Sen. Bongbong Marcos ang pumalit bilang kalihim ng ahensya.
Pero sinabi ni Abella na walang binanggit sa Cabinet ukol sa posibilidad na si Marcos ang pumalit kay Sueno.
Sa ngayon aniya ay wala pang napipili si Duterte na susunod na kalihim ng ahensya.
Bago pa man ang pagsibak, mayroon nang lumutang na mga ulat na posibleng i-appoint si Marcos bilang mamumuno sa DILG.
Pero inihayag naman ni Pangulong Duterte na hindi interesado si Marcos na maging kalihim ng ahensya.
Matatandaang binatikos ni Vice President Leni Robredo ang naturang ulat at sinabing hindi karapat dapat na mabigyan ng puwesto ang dating senador sa gabinete dahil hindi pa nababayaran ng pamilya Marcos ang kanilang ginawa sa bansa.
Ginawa ang pagsibak kay Sueno sa pagtatapos ng 14th Cabinet meeting sa Malacañang, gabi ng Lunes.
Ayon kay Abella, sinibak si Sueno dahil nawalan na ng tiwala si Pangulong Duterte sa kanya.