Kasunduan sa pagitan ng Bucor at kumpanya ni Rep. Floirendo, iimbestigahan na ng DOJ

 

Sisilipin na rin ng Department of Justice ang napaulat na kuwestyunableng transaksyon sa pagitan ng Bureau of Correction (BuCor) at ng Tagum Industrial Development Company (Tadeco) na pagmamay-ari ni Davao Del Norte 2nd District rep. ntonio Floirendo Jr.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, natanggap na niya ang paghingi ng legal opinion ni House Speaker Pantaleon Alvarez hinggil sa legalidad ng pagpaparenta ng nasa 5,300 ektaryang bahagi ng Davao Penal Colony sa Tadeco.

Bilang tugon kay Alvarez, sinabi ng Kalihim na bumuo na ang DOJ ng isang grupo na naglalayong pag-aralan ang mga detalye ng kasunduan.

Una rito, kinasuhan ng graft ni Alvarez ang matalik nitong kaibigan na si Floirendo sa Ombudsman dahil sa alegasyong pumasok ito sa transaksyon kahit isa na itong ‘elected official’.

Sa reklamo ni Alvarez, nang pumasok sa kasunduan si Floirendo para palawigin ang renta ng 25 taon sa Dapecol ay isa na itong kongresista ng Davao Del Norte.

Sina Alvarez at Floirendo ay kapwa kaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Giit ni Floirendo, nagsimula ang galit sa kanya ni Alvarez nang maniwala ito sa mga alegasyong siya ang pasimuno ng pagtatangkang patalsikin siya sa puwesto bilang House Speaker, bagay na mariing itinatanggi ni nito.

Read more...