Mariing itinanggi ni Interior and Local Government Secretary Ismael ‘Mike’ D. Sueno ang mga alegasyon ng pag-abuso sa posisyon na ibinabato sa kanya sa isa umanong confidential letter na ipinadala kay Pangulong Rodrigo Duterte ng Mayor Rodrigo Roa Duterte.
Ang nasabing liham ay galing umano sa National Executive Coordinating Council Committe (MRRD-NECC)- isang volunteers group na tumulong sa kampanya ni Presidente noong nakaraang eleksyon.
Sa mensahe ni Sueno sa flag-raising ceremony ng DILG, sinabi nito na sa marami niyang taon sa serbisyo publiko, hindi niya kailan man ginamit ang kanyang posisyon para magpayaman.
Nanindigan si Sueno na pareho sila ni Duterte na malakas ang adbokasiya laban sa korupsyon kaya imposible ang mga akusasyon laban sa kanya.
Paliwanag ni Sueno, ang hotel na sinasabing pag-aari niya sa South Cotabato ay sa kanyang kapatid na matagal nang negosyante at ang mga trak naman ay pag-aari ng kanyang anak na may trucking at rice bussiness.
Gayunman, inamin ni Sueno na sa kanya ang farm na binanggit sa confidential letter na kanyang naipagawa dahil sa kumikita niyang duck business.
Pinabulaanan din nito ang akusasyon na tumatanggap siya ng padulas mula sa illegal gambling dahil matagal na siyang kontra dito.
Malaki ang paniniwala ni Sueno na pakana ang nasabing liham nina Undersectary John Castriciones, Jesus V. Hinlo at Emily Padilla na binawasan ng kapangyarihan sa ilalim ng bagong sistema.
Dahil dito, kinausap na umano niya ang pangulo at hiniling na sibakin na sa puwesto ang tatlo sa kadahilanang irreconcilable differences.
Sina Castriciones, Hinlo at Padilla ay hindi rin daw tanggap ng mga organic na empleyado ng DILG dahil sa pagiging bully ng mga ito.
Ang nakarating pa sa kanya, gusto ng tatlo na tanggalin siya sa posisyon at hiniling na si Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) director general Guiling Mamondiong ang ipalit sa kanya.