P120M na shabu na nakuha sa Maynila iniuugnay sa mga terorista

NBI Drugs
Photo: Erwin Aguilon

Pinag-aaralan na ng National Bureau of Investigation (NBI) kung may kaugnayan sa mga terorista sa Mindanao ang P120 Million na halaga ng shabu na kanilang nakumpiska sa Tondo sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Atty. Cesar Bacani, Regional Director ng NBI- NCR, may nakuha silang impormasyon na dadalhin sa Mindanao ang nasabing mga droga na umaabot sa 20 kilo ang timbang.

Bukod sa nasabing mga shabu ay nakakuha rin ang mga tauhan ng NBI ng iba’t ibang uri ng baril na nakalagay sa isang Toyota Corolla na may plakang WJD 567 sa kahabaan ng Road 10 sa Tondo.

Makaraan ang ilang araw na pagma-manman ay umatake na ang mga tauhan ng NBI kaninang umaga at naaresto ang mag suspek na sina Edris Macalabo at Arvin Zapanta.

Sinabi ni Bacani na nakasakay sa isang motorsiklo ang mga suspek bago lumipat sa nasabing kotse kung saan sila naaresto.

Gumamit rin ng mga drug-sniffing dogs ang mga tauhan ng NBI bago natukoy na may mga droga sa loob ng nasabing sasakyan.

Hindi naman naaresto ang pinuno ng grupo na kilala lamang sa tawag na Boy Muslim.

Ang nasabing mga droga at baril ay nakatakda sanang dalhin sa Mindanao sa pamamagitan ng RoRo vessel.

Read more...