Hinimok ng Gabriela Partylist si House Speaker Pantaleon Alvarez na isama na ang Divorce Bill sa listahan ng mga priority measures ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ginawa ng women’s group ang pahayag sa gitna ng kontrobersiya sa extra marital affairs ni Alvarez.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Rep. Arlene Brosas na ang diborsyo ay isa sa legal options na pwedeng magamit ng mga mag-asawang hindi na nagkakaunawaan o gusto na talagang maghiwalay.
Paliwanag ng congresswoman, marapat na pag-usapan na ng Kongreso ang panukalang pagkakaroon ng diborsyo sa Pilipinas, na makakatulong aniya kung irreconcilable na ang sitwasyon ng mag-asawa.
Gayunman, nilinaw ni Brosas na ang diborsyo ay hindi lisensya para mangaliwa.
Ngayong 17th Congress, muling binuhay ng Gabriela Partylist ang Divorce bill, sa pag-asang makakapasa na ito.
Limang beses nang inihain ng partylist ang panukalang diborsyo, ngunit bigo pa ring makalusot.