Nagsagawa ng inspeksyon sa mga bus terminal ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board bilang bahagi ng paghahanda para sa dagsa ng tao na luluwas sa probinsya sa nalalapit na Holy Week.
Sa kanilang pag-iinspeksyon, napansin ng LTFRB ang kakulangan sa ventilation sa bus terminal ng Jam Liner sa Cubao, Quezon City.
Sinabi naman ng terminal manager na isinailalim na sa drug test ang lahat ng kanilang bus drivers noong nakaraang Biyernes.
Nakabili na din aniya sila ng mga bagong suplay ng first aid kits.
Sa DLTB bus terminal naman sa Kamuning, Quezon City, nakita ng LTFRB personnel na walang kakayahan ang lugar na ipatupad ang nose-in nose-out policy para sa mga bus.
Sa ilalim ng naturang polisiya, hindi maaaring paatras pumasok o lumabas ng terminal ang mga bus sa kahabaan ng EDSA.
Aabot sa 1,053 special permits ang inaprubahan ng LTFRB ngayong Holy Week.
Pagtataya ng LTFRB, posibleng umabot sa 232,000 na mga pasahero ang sasakay ng bus pauwi sa probinsya at pabalik ng Manila ngayong Semana Santa.