Sinimulan na ng Regional Internal Affairs Service-National Capital Region (RIAS-NCR) ang motu propio investigation kay Supt. Lito Dumandan Cabamongan.
Si Cabamongan ay dating hepe ng Crime Laboratory Alabang Satellite Office, na nahuli umano sa akto na gumagamit ng iligal na droga sa Las Piñas City.
Ayon kay IAS Insp. General Alfegar Triambulo, maagap silang magsasagawa ng imbestigasyon sa mga kasong kasasangkutan ng mga pulis bilang pagsuporta sa pinaigting na internal cleansing campaign ng PNP.
Agad aniya nilang isusumite sa Office of the Chief PNP ang kanilang report at rekomendasyon sa naturang kaso kapag natapos na nila ito.
Maging ang IAS-Southern Police District ay agad din nagsagawa ng imbestigasyon matapos ang pagkakaaresto kay Cabamongan.
Sa isang press conference, ipinaliwanag ni PNP chief Director Gen. Ronald Dela Rosa kung bakit nag negatibo si Cabamongan sa mga nakaraang drug test pero nagpositibo isinagawang test matapos ang kanyang pagkakaaresto.
Bataya niya sa paliwanag ng Crime Laboratory, kahit araw-araw gumagamit ng shabu ang isang tao, pero ang quantity o dami ng shabu ay kaunti lang, hindi ito nadedetect sa drug test.
May mga tao aniyang mabilis tinatamaan o nahi-high sa droga sa kakaunting gramo pa lamang, tulad aniya ng mga umiinom ng alak na kaunti lang pero nalalasing agad.
Sinabi ni Dela Rosa na posibleng mabilis ma-high si Cabamongan kahit kaunti lang ang sisinghutin na droga kaya kapag isinailalim sa drug test at nagnenegatibo ito dahil hindi nadedetect.
Binanggit din ng PNP chief na mas reliable ang drug test gamit ang blood samples, kumpara sa urine samples dahil ang dugo aniya, kahit ilang araw na ang nagdaan ay madedetect pa rin ito.
Pero ang urine sample aniya, makalipas ang 72 hours simula nang gumamit ng iligal na droga ay hindi na madedetect ang shabu sa katawan ng isang tao.