Inventory sa mga iligal na droga na nakatago sa Crime Lab, ipinag-utos ng PNP

Dela Rosa Crame1Ipinag-utos ni Philippine National Police chief Director Gen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang inventory sa mga iligal na droga na nakatago sa Crime Laboratory.

Ito’y kasunod ng pagkakaaresto kay Supt. Lito Cabamongan, hepe ng PNP Crime Laboratory Alabang Satellite Office.

Sa isang press conference, inutusan ni Dela Rosa ang hepe ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) na si Chief Director Augusto Marquez Jr. na magsagawa ng inventory sa lahat ng ebidensya na nasa kustodiya ng Crime Laboratory.

Dapat aniyang suriin ang mga iligal na droga dahil maaaring puro tawas na ang naka-deposito sa laboratoryo.

Kung kinakailangan aniya, i-testing ang mga ebidensya para malaman kung tawas ba o totoong iligal na droga ang mga ito.

Noong nakaraang Linggo, nahuli sa akto si Cabamongan na gumagamit ng shabu sa Las Piñas City.

Sinabi ni Cabamongan na mayroon siyang kasamahan sa trabaho na sangkot din sa iligal na droga.

Partikular na pinangalanan nito si Chief Insp. Joselito Savares, hepe ng PNP Crime Laboratory investigation division na sangkot umano sa illegal drugs.

Sinabi naman ni Dela Rosa na iimbestigahan din nila si Savares pero aniya ibig sabihin nito ay naniniwala sila sa mga pahayag ni Cabamongan.

Read more...