Pansamantalang nakalaya na si Senator Juan Ponce Enrile makaraang magbayad ng piyansa ngayong hapon ng Huwebes sa Sandiganbayan Third Division.
Mag-aalas sais ng gabi nang lumabas ng PNP General Hospital ang senador upang magtungo sa Sandiganbayan upang maghain ng kanyang piyansa.
Dakong Alas 6:30 ng gabi, kasama ang kanyang mga abugado at security, dumating si Enrile sa Sandiganbayan.
Nagbayad ng piyansa ang mga abogado ng 91-anyos na si Enrile na nagkakahalaga ng 1 milyon piso para sa kasong kinakaharap nito na pandarambong at 450,000 pesos naman sa 15 counts ng graft.
Nakalaya ang senador matapos bumoto ng 8-4 ang mga Mahistrado ng Supreme Court pabor sa bail plea ni Enrile noong Martes.
Matatandaang noong September 2014 ay naghain ng petition to post bail ang kampo ni Enrile. – Isa-Avendaño-Umali, Jan Escosio, Jen Pastrana, Jay Dones