20 katao, minasaker sa dambana sa Pakistan

 

Dalawampu katao ang isa-isang pinatay ng caretaker ng isang shrine o dambana sa lalawigan ng Punjab, sa bansang Pakistan matapos umano itong mistulang mabaliw.

Natagpuan ang mga duguang bangkay na biktima ng karumal-dumal na krimen sa loob ng Ali Muhammad Gujjar shrine sa bayan ng Chak, na pawang may mga matinding pasa at sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Inaresto naman ang suspek na nakilalang si Abdul Waheed, 50-anyos, custodian ng naturang dambana at dalawa pang suspek na sinasabing sangkot rin sa krimen.

Ayon sa imbestigasyon, unang nilason muna ng suspek ang lahat ng mga deboto na nasa loob ng dambana.

At nang mawalan ng malay ang mga ito ay pinagsasaksak ng salarin ang mga biktima at pinagpapalo pa ng matigas na bagay sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Kabilang sa mga nasawi ang 17 lalake at tatlong babae.

Bagamat sugatan, apat katao naman ang maswerteng nakaligtas at nakapagsumbong sa mga otoridad sa pangyayari.

Nang rumesponde ang mga otoridad, nakita pa ang suspek sa harapan ng dambana bitbit ang patalim na ginamit sa krimen.

Alegasyon ng suspek, inunahan niya lang mga mga biktima dahil nagtatangka umano ng mga ito na siya’y patayin.

Inaalam naman ng mga otoridad kung may kinalaman sa kulto ang pagpatay.

Read more...