Hindi na itutuloy ng ilang mga transport organization ang kanilang naunang balak na tatlong araw na tigil-pasada.
Inamin ni Stop and Go President Jun Magno na naging maganda ang resulta ng kanilang pulong kahapon sa mga kinatawan ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Noong Lunes ay sinabi ng grupo na bubulagain nila ang publiko sa tatlong araw na transport strike na kanilang ilulunsad pero tumanggi silang ibigay ang eksaktong petsa kung kailan.
Ang Stop and Go ay nauna nang nagsabi na haharangin nila ang balak ng pamahalaan na phase out sa lahat ng mga pampasaherong jeepney na may edad labinglimang taon pataas.
Sinabi ni Magno na hindi ito ang solusyon kundi ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas para tiyaking sumusunod sa tamang mga regulasyon ang mga operators ng pampasaherong jeepney sa bansa.
Sa Lunes ay magpapatawag ng press conference ang Stop and Go at doon nila ibibigay ang detalye ng naging pag-uusap sa hanay nila at ng pamahalaan.