Sa panayam ng Radyo Inquirer kay PNP ACG Spokesperson Supt Jay Guillermo ay kanilang napag-alamang nag-umpisa umano ito sa pag-aaway ang mga grupo ng fans kung saan tinarget ang grupo ng fans ni Kiefer Ravena para sirain ito.
Dagdag ni Guillermo na may nagpanggap na babae na maging kaibigan si Ravena sa online.
Aniya ay akala ni Ravena na maganda ang intensyon nito kaya tinanggap niya ang imbitasyon na maging kaibigan ito sa online gamit ang viber.
Kaugnay nito ay maaring nagkaroon ng online relationship ang dalawa na humantong sa pananakot ng suspek kay Ravena na isusumbong ito sa kanyang girlfriend kung hindi magbibigay ng mga sensitibong mga larawan.
Dito na umano pumasok ang pangba-blackmail kung saan nakapagbigay na ng mga sensitibong larawan si Ravena sa suspek.
Akala ni Ravena ay tapos na ngunit nasundan pa ito ng panghihingi ng sensitibong video ng suspek kaya nagsumbong na ito sa kanyang mga magulang na siyang nagsampa ng paunang reklamo sa PNP Anti-Cybercrime Group.
Dahil sa pagkalat ng mga nasabing larawan ay biglang may nag-message kay Ravena na nagsasabing alam niya kung sino ang nagpapakalat ng mga ito.
Pinayuhan ng mga otoridad na kausapin ito para malaman kung ang pagkakakilanlan ng nagsasabing may impormasyon siya.
Kasunod nito, ayon sa mga magulang ni Ravena ay nanghihingi na ng halagang 50,000 pesos ang kanilang kausap kapalit ng impormasyon na ibibigay nito.
Sa payo ng mga otoridad ay nagbigay ng halagang 25,000 pesos, bilang paunang bayad kung saan ay nagbigay ito ng pangalan at mga impormasyon na siya namang sinuri ng pulisya ngunit napag-alamang hindi nag-e-exist ang mga ito.
Sa sumunod na araw na paghingi ng suspek sa kabuuang bayad ay dito na nagsagawa ng entrampment operation ang mga otoridad para mahuli ang suspek.