Ashley Madison website na-hack, personal data ng mga users, nakompromiso

Mula sa inquirer.net

Umaabot sa labing-limang libong email addresses at personal data ng mga opisyal at tauhan ng U.S Military at ng Federal Government ang nailantad sa publiko makaraang ma-hack ang website ng Ashley Madison.

Hindi pa kasama dito ang identities ng ilang private individuals worldwide na suki ng nasabing adult website.

Ang Ashley Madison ay isang infidelity website na nagpo-promote ng pangangaliwa ng isang taong may-asawa o karelasyon.

Base sa kanilang business model, magbabayad ng membership fee sa pamamagitan ng credit card ang isang taong gustong humanap ng “karelasyon” sa pamamagitan ng naturang cheating site.

Sa kasalukuyan ay mayroon na itong 37-milyon na membership mula sa apatnapu’t anim na mga bansa.

Sinabi ni Noel Biderman, Chief-Executive-Officer ng Canadian-based ng Ashley Madison na ang grupong “Impact Team” ang nasa likod ng naganap na hacking.

Nagawa ng mga hackers na gawing available online ang detalye sa pagkatao, home addresses pati na rin ng ilang credit information ng mga kumuha ng membership sa nasabing adult website.

Ang Ashley Madison na nagpo-promote ng extra marital affairs gamit ang slogan na “life is short, have an affair” ay may monthly web visitors na aabot sa 125 million ayon sa web analytics na SimilarWeb.

Sa kasalukuyan ay pang labing-walo ang nasabing cheating site sa mga madalas i-click sa internet na mga adult homepage. / Den Macaranas

 

Read more...