Desisyon ng Korte Suprema para makapag-piyansa si JPE, inilabas na

Inquirer file photo

Inilabas na ng Korte Suprema ang desisyon na pumapabor sa kahilingan ni Senator Juan Ponce Enrile na makapagpiyansa.

Ang nasabing kautusan ang hinihintay ng Sandiganbayan at ng kampo ni Enrile para makapaghain na ito ng piyansa sa anti-graft court sa kinakaharap na kasong plunder. Sa bahagi ng desisyon, ito ang nakalagay, “Wherefore, the Court Grants the petition for certiorari; Issues the Writ of Certiorari Annuling and setting aside the Resolutions issued by the Sandiganbayan (Third Division) in Case No. SB-14-CRM-0238 on July 14, 2014 and August 8, 2014; Orders the Provisional release of petitioner Juan Ponce Enrile”.

Ang kopya ng promulgated decision ay ita-transmit naman sa Sandiganbayan. Ayon sa Clerk of Court ng Supreme Court en banc hinihintay na lamang ang ilang attachments para madala ang kopya sa Sandiganbayan.

Sa ilalim ng proseso, kinakailangang ang transmitted decision mula sa Korte Suprema ang matanggap ng Sandiganbayan para makapagpalabas na ng kautusan ang anti-graft court na dalhin si Enrile sa korte upang ilagak ang piyansa.

Ayon kay Atty. Eleazar Reyes, isa sa mga abugado ni Enrile, sa oras na makapaglagak na sila ng piyansa, ang release order na galing Sandiganbayan ay ibibigay naman sa mga police escorts ni Enrile.

Sa sandaling tuluyan nang makalaya, sinabi ni Reyes na didiretso si Enrile sa bahay nito sa Dasmariñas Village sa Makati City, kung saan naghihintay na ang family doctor para masuri ang senador./ Ricky Brozas, Erwin Aguilon

 

 

Read more...