Manhunt kay Gerry Limlingan, ipinakakasa ng Senado

Victor Limlingan, kapatid ni Gerry Limlingan
Kuha ni Chona Yu

Hiniling ni Senator Koko Pimentel sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at maging sa taong bayan na tulungan ang Senate Sergeant-at-Arms sa paghahanap kay Gerry Limlingan na umanoy bagman ni Vice President Jejomar Binay.

Sa ika-23 hearing ng Senate Blue Ribbon Sub-committee, sinabi ni Pimentel na dapat nang magsagawa ng national manhunt laban kay Limlingan.

Hindi aniya titigil ang sub-committee sa pag-iimbestiga hangga’t hindi lumulutang si Limlingan at hindi nakakamit ang logical conclusion. Wala rin umanong alam si Victor Limlingan sa kinaroroonan ng kanyang kapatid na si Gerry.

Sa pagtatanong ni Senador Antonio Trillanes kay Victor Limlingan, sinabi nito na wala siyang alam kung buhay pa ang kanyang kapatid.

Sinabi pa ni Victor na wala siyang komunikasyon sa kapatid na si Gerry kahit sa tawag man lang sa telepono.

Dagdag pa ni Victor na simula ng maambush ang kapatid na si Gerry noong 2010, naging security conscious na ito dahil hindi pa nahuhuli ang mga suspek sa pananambang.

Nagkaroon umano sila ng kasunduan na si Gerry na ito ang kokontak sa kanya pero simula noon ay wala pang natatanggap na tawag si Victor mula sa kapatid. Aminado si Victor na nababahala na rin siya sa kalagayan ni Gerry.

Hinimok naman ni Trillanes si Victor na hikayatin si Gerry na lumutang dahil bibigyan naman siya ng proteksyon.

Sa 23 na hearings ng komite, 13 iba’t ibang katiwalian sa Makati City na kinasasangkutan umano ni Binay at ng kanyang pamilya ang natalakay na.

Tatlong beses na aniyang pinadalhan ng imbitasyon ng subcommittee ang bise presidente subalit hindi ito sumipot.

Hindi na umaasa si Pimentel na haharap pa si Binay pero kung sakaling magbabago ang pasya nito ay aniya nakabukas ang subcommittee para sa kanya./ Chona Yu

 

Read more...