Ilan lamang yan sa mga salitang binitawan bukod pa sa pagmumura ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraan niyang ilabas ang sama ng loob sa ilang media outfits.
Sinabi ng pangulo na madalas umanong binabago ng ilang mga mamamahayag ang kanyang sinasabi at mga piling letra lamang ang inilalabas sa mga balita.
Inihalimbawa ng pangulo ang mga balita tungkol sa kanyang kampanya kontra sa droga na iniiba umano ang laman ng balita para magmukhang napakasama ng kanyang administrasyon.
“Kung babanatan ninyo ako sa mga editorial ninyo, magpo-program na lang ako araw-araw sa PTV 4 at doon ko kayo babanatan kahit araw-araw….kung gusto ninyo magbabuyan na lang tayo”, dagdag pa ng pangulo.
Inungkat rin ng pangulo ang palabas ng mga balita tungkol sa pag-gamit niya ng oxygen concentrator na nakunan ng litrato sa loob ng kanyang silid noong kanyang kaarawan.
Ito umano ang mga anggulo na gustong-gusto ng media at hindi inilalabas ang kabuuan ng isang balita.
Sinabi rin ng pangulo na hindi naman niya itinatago sa publiko ang estado ng kanyang kalusugan at ano naman daw ang dapat asahan sa katawan ng isang 72-anyos na tao.
Binanggit rin ng pangulo na masama ng loob ng ilang mga media firms sa kanya dahil natalo ang kanilang mga sinuportahang kandidato noong nakalipas na halalan.