Ayon sa PAGASA, ang lakas ng hanging mararanasan sa nabanggit na mga lugar ay aabot ng 121 hanggang 170 kilometers kada oras sa loob ng hindi bababa sa labingwalong oras.
Sa weather bulletin ng PAGASA, ang bagyong Ineng ay huling namataan sa 375 kilometers East ng Calayan, Cagayan taglay ang lakas ng hanging aabot sa 180kph at pagbugsong aabot sa 215kph.
Kumikilos pa rin ito sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 13kph.
Nakataas naman ang signal number 2 sa nalalabing bahagi ng Cagayan, at sa mga lalawigan ng Apayao at Ilocos Norte.
Habang signal number 1 sa Isabela, Northern Aurora, Quirino, Ifugao, Mt. Province, Kalinga, Abra at Ilocos Sur.
Ayon sa PAGASA ang mga residente sa lahat ng lugar na nasa ilalim ng signal numbers 1, 2 at 3 ay dapat maging alerto sa posibleng flashfloods at pagguho ng lupa.
Ang habagat na pinalalakas ng bagyong Ineng naman ang maghahatid ng pag-ulan sa Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region at Western Visayas./ Dona Dominguez-Cargullo