Sadyang hindi mapipigilan ang China buildup sa Spratlys-Esperon

 

Batid ng Pilipinas na malapit nang matapos ang mga istrukturang itinayo ng China sa mga islang inaangkin ng Pilipinas sa Spratlys.

Gayunman, ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon, sadyang wala silang magagawa ukol dito.

Kinumpirma ni Esperon na may mga hawak na larawan ang AFP Western Command ng mga ginagawang pasilidad ng China sa Kagitingan, Zamora at Panganiban reef.

Kabilang aniya sa mga istrukturang malapit nang makumpleto ay ang isang airstrip na may habang 3.5 kilometro at mga radar installation.

Gayunman, hindi pa nila aniya batid kung sa anong paraan planong gamitin ng China ang naturang mga pasilidad.

Mas makabubuti aniyang hintayin na lamang na matapos ang konstruksyon ng mga istruktura upang matukoy kung ano ang magiging gamit ng mga ito sa hinaharap.

Kamakailan, isiniwalat ng isang US think-tank na malapit nang matapos ang konstruksyon sa mga naturang isla na tinawag na ‘big 3’ na may kakayahang magtaglay ng mga military jet fighter mula mainland China.

Hinala ng mga eksperto, pinalalakas ng China ang kanilang puwersa sa South China Sea upang makontrol ang naturang rehiyon na daanan ng trilyong dolyar ng komersyo taun-taon.

Read more...