Bahagi ito ng pahayag ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na laganap pa rin ang pangingikil ng mga komunistang rebelde sa mga mahihirap na magsasaka at maliliit na negosyante.
Aniya, sinisira rin ng mga ito ang mga kagamitan at ari-arian ng malalaking agricultural corporations.
Sa pagtaya ng kalihim, ngayong buwan lamang ay hindi bababa sa siyam na pag-atake ang isinagawa ng NPA sa ilang mga plantasyon ng saging at pinya sa Mindanao.
Nagresulta ito sa pagkasawi ng pitong sundalo at dalawang hinihinalang rebelde.
Nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso ang sinira ng NPA sa mga nakalipas na buwan ayon pa sa opisyal.
Dagdag ni Piñol, sinisingil din ng komunistang grupo ng P3 kada rubber tree na pag-aari ng mga ordinaryong magsasaka sa North Cotabato.
Inihalimbawa ng Kalihim na sa kada ektarya na may 500 puno, aabot sa P1,500 piso ang binabayaran ng mga mahihirap na magsasaka.
Makikipagpulong naman si Piñol kay Pangulong Rodrigo Duterte para tugunan ang usaping ito.