Inamin ni Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo na nasaktan siya sa inihaing reklamong katiwalian ni House Speaker Pantaleon Alvarez laban sa kanya sa Office of the Ombudsman.
Sa isang statement, sinabi ni Floirendo na hindi lamang siya ang naapektuhan sa mga nangyayari, kundi maging ang kanyang pamilya.
Handa umano niyang harapin ang reklamo kontra sa kanya, subalit iginiit niya na wala siyang paglabag sa batas at malinis din umano ang kanyang konsensya.
Naniniwala naman ang kongresista na away-magkapatid ang kasalukuyang sitwasyon nila ni Alvarez, at magkaka-ayos din sila sa tamang panahon.
Ayon kay Floirendo, sinubukan pa niyang kausapin si Alvarez, pero tumanggi raw ang speaker.
Nilinaw din ni Floirendo na wala siyang kinalaman sa umano’y balak na pagpapatalsik kay Alvarez bilang speaker of the House, para ipalit sa pwesto si Pampanga CongW. Gloria Macapagal-Arroyo.
Ani Floirendo, hindi raw niya nakakausap si CGMA, at lalong wala siyang balak na suportahan ang ouster plot laban kay Alvarez.
Dagdag nito, matalik niyang kaibigan si Alvarez at sa katunayan ay isa siya sa mga sumuporta sa speakership nito noon.