Iginiit ni Alvarez na walang kinalaman ang umano’y personal na hidwaan nila ni Floirendo sa reklamong kanyang inihain dahil malinaw sa batas na bawal magnegosyo ang isang opisyal ng pamahalaan.
Base aniya sa Securities and Exchange Commission, stockholder ng TADECO si Floirendo habang siya ay halal na kongresista, partikular noong ni-renew ang kontrata ng TADECO at Bureau of Corrections para gamitin ang mahigit 5,000 ektaryang lupain ng Davao Penal Colony bilang plantasyon ng saging.
Maliban sa business interest ni Floirendo, kuwestiyonable rin daw ang renewal ng 25 taong kontrata dahil hindi dumaan sa public bidding at lugi rin dito ang gobyerno dahil sinunod lamang ang napakamurang upa sa naunang kontratang pinasok noong panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Si Floirendo ang pinakamalaking campaign fund contributor ni Pangulong Rodrigo Duterte noong eleksyon.
Nilinaw naman ni Alvarez na hindi umano nakatulong si Floirendo sa kanyang pagiging Speaker at pangalawa, maaaring ang Davao del Norte Congressman ang major contributor ng pangulo, pero hindi raw nangangahulugan na mayroon siyang lisensya para nakawan ang bayan.