Makalipas ang limang dekada muling nagkaroon ng national congress ang Communist Party of the Philippines kung saan pumili sila ng mga bagong pinuno.
Isinagawa ang pulong noong nakalipas na taon subalit inanunsyo lamang ngayong araw kasabay ng ika-48 taong pagkakatatag ng New People’s Army.
Sinabi ng CPP na dinaluhan ng 120 delegado ang pulong kung saan nasa edad 60 pataas ang 30 porsyento ng mga dumalo habang 60 porsyente naman ang nasa 45 hanggang 59 anyos at 15 porsyento naman ang 44 anyos pababa.
Pinakamatanda sa mga dumalo ay 70 anyos at 33 anyos ang pinakabata.
Sa nasabing pulong, inihalal ang bagong miyembro ng Central Committee at Political Bureau para sa limang taong termino kung saan mahigit sa kalahati sa mga ito ay mga kabataan kaugnay sa bagong probisyon ng Konstitusyon ng CPP na ang bubuo ng Central Committee ay magmumula sa mga kabataan at mga may edad na kadre.
Ang pagtataga sa mga kabataang miyembro ng Central Committee ay para anila sa matalas na pagpapasya ng mga ito.
Isinama rin ng grupo sa bagong probisyon na ang kanilang mga miyembro na aabot ng 70 anyos ay kailangan ng magretiro sa trabaho sa CPP pero maari pang manatili bilang miyembro upang makatanggap ng suporta at medical assistance mula sa partido.
Sinabi ng CPP na ang ginawang pag-amyenda sa kanilang Saligang Batas ay upang maisulong ang Marxism-Leninism-Maoism ideologies patungo sa rebolusyon.
Ang pinakamalaking amyenda ayon sa grupo ay ang kanilang preamble.
Kabilang din sa napag-usapan ang kanilang pangkalahatang programa at ang mga ispesipikong gawain may kaugnayan sa pulitika, ekonomiya, pag-aarmas, kultura at ugnayang panlabas.
Sa nasabing pulong binigyan ng CPP ng mataas na pagkilala ang founding chairman nito na so Jose Maria Sison.