Lionel Messi, banned maglaro sa apat na international matches

 

Pinagbabawalan ngayon ang forward ng Argentina na si Lionel Messi sa paglalaro sa apat na magkakasunod na international matches, simula sa World Cup qualifier sa Bolivia.

Ito ay dahil sa pagmumura ni Messi sa isang assistant referee sa kasagsagan ng kanilang match noong Biyernes kung saan nakasungkit sila ng 1-0 na panalo laban sa Chile, dahil lamang sa goal mula sa penalty.

Inanunsyo ng FIFA ang nasabing desisyon anim na oras lamang bago ang kickoff match sa La Paz.

Dahil sa parusang ito, makakapaglaro lamang ang five-time world player of the year na si Messi sa isa sa limang nalalabing World Cup qualifiers ng Argentina.

Inaasahan namang malaki ang magiging epekto ng pagkawala ni Messi sa South American campaign.

Minura at sinigawan ni Messi ang Brazilian linesman na si Emerson Augusto do Carvalho sa pagtatapos ng match.

Hindi naman ito inireport ng referee, ngunit sinabi ng FIFA sa Argentine Football Association na inaksyunan nila ang insidente base sa mga reports na lumabas sa media.

Inaasahan namang iaapela ng AFA ang nasabing desisyon.

Read more...