Sa supplemental affidavit na isinumite ni Ricky Serenio na nagsasabing nagde-deliver siya ng mga payola sa mga law enforcement personnel, pinangalanan niya ang walong pulis opisyal at dalawang nagpapapanggap umanong ahente ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Serenio, tumanggap ang mga ito ng P40,000 hanggang P200,000 kada buwan mula sa Berya drug group, na isa sa pinakamalaking grupo sa lalawigan.
Ibinunyag din ni Serenio na aabot sa 35 kilos ng shabu ang naipapamahagi ng Berya group sa walong lungsod at bayan ng Negros Occidental kada buwan.
Kabilang dito ang 15 kilos na dinadala sa Bacolod City, at tig-limang kilo sa mga lungsod ng Kabankalan at Cadiz, habang tig-dalawang kilo naman sa mga lungsod ng La Carlota, Silay, Talisay at Bago, pati na sa bayan ng Murcia.
Inulit din ni Serenio ang una na niyang sinabi sa kaniyang affidavit na tumatanggap ng P1.2 milyon na payola kada buwan si Negros Occidental police director William Señoron mula sa mga drug lords sa probinsya.
Ayon kay Serenio, tumanggap si Señoron ng protection money mula sa napatay na si Iloilo drug lord Melvin Odicta noong siya pa ang pinuno ng Regional Intelligence Unit ng Western Visayas Police Regional Office.
Sa panayam sa Inquirer, mariin itong itinanggi ni Señoron at iginiit na pawang mga kasinungalingan lamang ang mga naturang paratang.
Ayon pa kay Señoron, biktima lamang siya ng “name and shame” na taktika ng mga nais patalsikin siya sa probinsya.
Idinawit na rin ni Serenio ang 35 na pulis at iba pang law enforcement personnel sa kaniyang unang affidavit, dahil sa pagtanggap umano ng mga ito ng payola mula sa Berya drug group.
Si Serenio ay naaresto noong January 7 dahil sa grave coercion at illegal possession of firearms and explosive.
Una siyang ikinulong sa Talisay City police station, ngunit inilipat din sa Pulupundan municipal police station.
Nakapaglagak na ng piyansa si Serenio at ngayon ay nakalaya na.