Ayon kay Human Rights Commissioner Gwen Pimentel-Gana, para masabing state-sponsored ang mga nasabing pagpatay, kailangang mayroong isang official policy mula sa pangulo na nag-uutos sa Philippine National Police (PNP) na patayin ang mga drug suspects.
Ani Gana, wala naman silang sinasabing state-sponsored ang mga extrajudicial killings sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga dahil wala naman silang basehan para sabihin ito.
Gayunman, ang masasabi lang aniya ng CHR ay na nagpapatuloy pa rin ang vigilante killings ng mga hindi pa natutukoy na salarin, at na dapat itong solusyunan ng mga pulis.
Wala naman aniyang written policy kaugnay nito, at hindi rin naman maaring magamit ang mga pahayag ni Duterte na dumidepensa sa kaniyang drug war, bilang patunay na state-sponsored ang mga pagpatay.
Bilang isang commissioner at abogado, hindi aniya nila maaring basta na lang akusahan ang pangulo base lamang sa kaniyang mga binibitiwang salita.
Dagdag pa ni Gana, bahagi sila ng gobyerno kaya dapat lang na may pinagbabasehang ebidensya ang kanilang magiging mga conclusions.