Sinampahan na ng kaso sa Office of the Ombudsman si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez dahil sa maanomalyang security deal noong 2008.
Inihain ang kasong paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices laban kay Ramirez, at kay Ma. Flordeliza Angel, pangulo ng Excelguard Security and Research Services, Inc.
Batay sa charge sheet, iginawad ng PSC sa Excelguard ang Addendum to the Contract of Service nang hindi dumaraan sa PSC board at sa public bidding.
Ang naturang kontrata ay para sa karagdagang 95 gwardya sa 108 gwardya na nauna nang napagkasunduan sa Contract of Service noong December 31, 2008 sa Excelguard.
Nakasaad sa inihaing kaso na nagsabwatan umano sina Angel at Ramirez para bigyan ng ‘unwarranted benefit’ ang Excelguard.
Inirekomenda naman ng Ombudsman tig-30,000 pisong lagak sina Angel at Ramirez.