Hinarang at hindi pinasakay sa isang United Airlines flight ang dalawang menor de edad na babae dahil sa pagsusuot ng leggings.
Ayon kay Jonathan Guerin, tagapagsalita ng United Airlines, hindi sinunod ng mga pasahero ang dress code para sa ‘special pass travelers’.
Paliwanag ni Guerin, hindi pipigilan ang nasabing mga pasahero sa pagsakay sa eroplano dahil sa pagsusuot ng leggings kung sila ay mga ‘paying customers’.
Dagdag pa ng opisyal, sinabihan nila ang dalawang menor de edad na hindi sila makakasakay hangga’t hindi nila pinapalitan ang kanilang outfit.
Hindi man nagreklamo ang mga menor de edad sa ginawang pag-trato sa kanila ng airline company, isa namang pasahero na nakasaksi sa pangyayari ang naglabas ng galit sa social media.
Sa serye ng tweet ng pasaherong si Shannon Watts, sinabi nito na dismayado siya sa naturang polisiya ng airline company na tila hindi makatarungan para sa mga babae.
Nakakuha naman ng suporta si Watts sa kanyang hinaing sa social media mula sa netizens at maging sa ilang mga artista.
Umani ng kritisismo ang pagsusuot ng leggings sa iba’t bansa kung saan marami ang nagsabi na ‘inappropriate attire’ ito at sa katunayan, ipinagbawal na sa ilang mga paaralan ang pagsusuot ng mga estudyante ng leggings sa klase.