Aabot sa P10 milyon halaga ng heroin na itinago sa isang pares ng sapatos ang natuklasan sa lost and found section ng Terminal 1 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Isa-isang tinitignan ng mga tauhan ng lost and found section ng NAIA ang mga gamit na dinala sa kanila nang mapansin ang kakaibang bigat ng sapatos na may tatak na Clark Active Air.
Nang gupitin ang sapatos para bumukas ang swelas nito, nakita ng mga tauhan ng NAIA ang tig-500 gramo ng yellow, powder-like substance sa magkabilang pares ng sapatos.
Nang sinuri ang isa pang pares ng kulay brown na sapatos ay may nakita ring parehong dami ng heroin.
Ibinalot ang heroin sa dark plastic material na inihugis na kapareho ng ilalim ng sapatos para hindi mahalata. Inilagat ang mga ito sa loob ng swelas at saka tinahi muli ng maayos.
Nai-turnover na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga heroin.
Ayon kay Manila International Airport Authority General Manager Jose Angel Honrado, inaalam na nila kung saang lugar sa NAIA eksaktong natagpuan ang mga sapatos at kung paanong napunta ang mga ito sa lost and found section./ Dona Dominguez – Cargullo