Duterte muling inimbitahan ni Chinese President Xi Jinping na dumalaw sa China

Duterte Xi Jinping
Malacanang photo

Muling babalik sa China si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga Chinese businessmen sa Maynila, sinabi ng pangulo na personal siyang inimbitahan ni Chinese President Xi Jinping a magpunta sa kanilang bansa.

Sasaksihan ni Duterte ang paglulunsad ni Xi ng “One Belt, One Road” na naglalayong maglunsad ng mga infrastructure projects sa iba’t ibang mga bansa sa Asia, Africa at Europe.

Sinabi rin ng pangulo na maganda ang ugnayan ng pamahalaan ng Pilipinas at China lalo na sa isyu ng kalakalan sa rehiyon.

Noong nakalipas na buwan ng Oktubre huling nagpunta sa China ang pangulo na nagbigay ng pagkakataon para makapag-usap ang dalawang lider partikular na sa gusot sa West Philippine Sea.

Sa harapan ng mga Chinese-Filipino businessmen ay muling ipinagyabang ng pangulo ang panunumbalik ng bilateral trade relations sa pagitan ng dalawang bansa.

Patunay umano dito ang muling pagpasok sa China ng mga mangga at saging na mula sa Pilipinas.

Umaasa rin ang pangulo na mananatili ang maayos sa magkabilang bansa lalo na sa usapin ng mga pinag-aagawang teritoryo na sa West Philippine Sea.

Read more...