Kinumpirma ni Lt. Commander Alvin Dagalea, hepe ng Zamboanga Coast Guard station na sapilitang tinangay ng mga armadong suspek ang mga biktimang sina Capt. Aurelio Agacac at Chief Engineer Laurencio Tiro.
Ang dalawa ay mga opisyal ng Panamanian-flagged MV Super Shuttle Roro 9 na lumalayag mula Basilan tungong General Santos City.
Ang dalawa ay dinukot aniya habang lulan ng Roro 9 malapit sa karagatang sakop ng Sibago island.
Tumakas umano ang mga suspek patungong Tuburan, Basilan lulan ng tatlong speedboat.
Matatandaang ilang oras bago ang pagdukot sa dalawa, pinalaya ng Abu Sayyaf ang dalawang Malaysian na crew ng isang tugboat na bihag ng mga ito ng halos walong buwan.
Tatlo pang crew ng tugboat ang hawak pa rin ng bandidong grupo na pinamumunuan ng Abu Sayyaf subleader na si Sibih Pissih.