Sa pagkakataong ito, maghaharap muli ang dalawang mataas na opisyal ng bansa sa graduation ceremonies ng mga kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite ngayong araw.
Una nang nagkita ang dalawa sa PMA graduation rites sa Baguio City noong March 12.
Sa naturang okasyon, humingi pa ng paumanhin ang pangulo kay Robredo dahil hindi niya ito nabati sa unang bahagi ng kanyang talumpati.
Sinisi pa ng pangulo ang gumawa ng kanyang speech dahil hindi umano isinama ang pangalan ng Pangalawang Pangulo sa listahan ng mga bisita sa okasyon.
Sa pagkakataon naman ng PNPA graduation ngayong araw, magsisilbing mga panauhin sina Duterte at Robredo sa pagtatapos ng 144 na miyembro ng Masidlak class of 2017.
Ang pangulo ang inaasahang magbibigay ng Presidential Kampilan sa class topnotcher na si Cadet Macdum Enca ng Cotabato City.
Si Robredo naman ang magbibigay ng Vice Presidential Kampilan kay Cadet Midzfar Hamis Omar ng Tawi-Tawi na second highest sa kanilang klase.
Mula nang huling magkita sina Duterte at Robredo ay nasampahan na ng impeachment complaint sa Kongreso ang Pangulo samantalang inihahanda naman ang isa pang impeachment complaint laban kay Robredo.