Speaker Alvarez, walang balak magpaawat sa impeachment complaint laban kay VP Robredo

Alvarez-0615Ayaw magpaawat ni House Speaker Pantaleon Alvarez kahit mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsabing huwag ituloy ang pagpapa-impeach kay Vice President Leni Robredo.

Sinabi ni Alvarez na bagama’t iginagalang niya ang pahayag ni Duterte, ang Kamara pa rin aniya ang may ekslusibong hurisdiksiyon para magproseso ng impeachment complaint sa ilalim ng Konstitusyon.

Masusi pa rin aniyang pinag-aaralan ang magiging complaint laban sa bise presidente dahil hindi lamang ito usapin ng numero, kundi kailangang may mabigat na basehan ito.

Kasabay nito, tahasang tinawag ni Alvarez si Robredo na makapal ang mukha.

Ito raw kasi ang kauna-unahang pagkakataon na may opisyal ng gobyerno na makapal ang mukha na nagpadala ng video clip sa United Nations para lamang siraan ang buong bansa.

Kahit pa aniya may freedom of speech ang bise presidente, hindi ito nagbibigay ng exemption para maging iresponsable sa mga pahayag tungkol sa Pilipinas.

Kinuwestiyon din ni Alvarez kung nasaan ang pagiging makabayan at pagmamahal sa bansa ni Robredo at pati ang sinumpaan nito sa tungkulin bilang bise presidente.

Nilinaw naman ni Alvarez na walang politika sa kanyang hakbang, at sa katunayan daw ay wala siyang gustong mailuklok sa pagka-VP sakaling maimpeach si Robredo.

Read more...