Una nang dinepensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo kaugnay ng impeachment sa kaniya, dahil iginiit niya na ginagamit lamang ng pangalawang pangulo ang kaniyang freedom of speech sa tuwing binabatikos nito ang drug war ng pamahalaan.
Sumasang-ayon si Pimentel sa pananaw ng pangulo, at aniya, inilalayo lamang ng hakbang na ito ang kanilang atensyon sa mas mahahalagang trabaho na dapat nilang gawin.
Hindi rin aniya dapat basta-basta ang paghahain ng impeachment complaint laban sa isang opisyal, at dapat aniya itong ituring na huling baraha laban sa mga tiwaling matataas na opisyal.
Kailangan din aniyang matindi at seryoso ang mga dahilan para maghain ng impeachment complaint.
Gayundin ang pananaw nina Senators Joel Villanueva at JV Ejercito kaugnay sa impeachment laban kay Robredo.
Ayon kay Villanueva, nalulugod siyang naglabas na ng pahayag ang pangulo kaugnay sa nasabing isyu, at tulad ni Duterte, sinabi ng senador na inilalabas lang ni Robredo ang kaniyang opinyon tungkol sa mga isyu sa bansa ngayon.
Para naman kay Ejercito, ipinakita lang ni Duterte sa kaniyang pahayag na isa siyang statesman at na nirerespeto niya ang mandatong ibinigay ng publiko.