Imbestigasyon sa itinuturing na terror attack sa British parliament nagpapatuloy

 

Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang British authorities sa likod ng madugong pagsalakay ng isang hindi pa nakikilalang lalake sa British parliament na ikinasawi ng lima katao kabilang na ang salarin.

Ayon kay Acting Deputy Commissioner at head ng counter terrorism unit ng Metropolitan police na si Mark Rowley, itinuturing pa ring terrorist attack ang naturang insidente kahit isa lamang ang itinuturong suspek sa pag-atake.

Sa inisyal nilang imbestigasyon, una aniyang inararo ng hindi pa nakikilalang suspek ang hanay ng mga pedestrian sa Westminster bridge, ilang metro lamang ang layo mula sa British parliament.

Sa naturang insidente, dalawa sa mga sinagasaan ng suspek ang nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan na ikinamatay ng mga ito.

Dalawampu pang mga namamasyal sa naturang lugar ang nasugatan sanhi ng insidente.

Matapos ito, sunod namang sumalakay ang nagsosolong suspek at pumasok sa compound ng British parliament habang bitbit ang isang patalim.

Dito niya sinugod ang isang pulis na nasawi rin sanhi ng mga tama ng saksak sa katawan.

Nagawa namang mabaril ng iba pang rumespondeng alagad ng batas ang suspek na naging dahilan ng kamatayan nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pangyayari.

Read more...