Niyanig ng magnitude 3.0 ang Baguio City kaninang umaga.
Ito ay sa gitna ng pagsasagawa ng city wide earthquake drill ng Department of Education Baguio Division Office sa ilang eskwelahan sa lungsod.
Ayon sa Phivolcs, sa nasabing paglindol, naitala lamang ang Intensity 2 sa Baguio City at sa hina ng nasabing pagyanig, hindi ito naramdaman o napansin ng mga tao.
Naganap ang pagyanig na tectonic ang origin at may lalim na 15 kilometers kaninang 11:34 ng umaga sa 6 kilometers South ng Baguio City.
Pero ilang minuto matapos nito, tumama din ang isa pang lindol sa lungsod.
Ayon sa Phivolcs, magnitude 2.4 lamang ito at mas mahina na sa naunang pagyanig.
Sinabi naman ng DepEd Baguio Division Office na layunin ng isinagawang city wide earthquake drill sa mga eskwelahan na magbigay paalala sa mga estudyante at guro na maging alerto at handa sakaling tumama ang isang malakas na lindol sa lungsod.
Hinikayat naman ng Phivolcs ang lahat ng mga paaralan sa bansa at LGUs na palaging maging handa sa lindol sa maaaring tumama sa kani-kanilang mga lugar.