Impeachment complaint laban kay Duterte wala ng urungan ayon sa Magdalo

Alejano
Inquirer file photo

Walang balak si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na i-atras ang kanyang impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Iginiit ito ni Alejano bilang tugon sa panawagan ng ilang kapwa kongresista na i-urong na lamang ang impeachment complaint kontra sa pangulo dahil hahatiin nito lalo ang bansa.

Sa pahayag, naninindigan si Alejano na ilalaban niya ang kanyang complaint laban kay Duterte hanggang sa dulo ng proseso nito.

Katwiran pa ni Alejano, hindi niya maaaring pagbigyan ang panawagan ng mga kasamahan sa Kamara dahil hindi niya pwedeng isantabi ang isyu ng extra judicial killings at korupsiyon na kinasasangkutan ni Duterte at ng kanyang administrasyon.

Binalewala naman ng kongresista ang pangmamaliit ng House leadership sa kanyang impeachment complaint pero ang pakiusap niya ay basahin ang kabuuan reklamo bago husgahan.

Umaasa rin si Alejano na makakakuha siya ng suporta sa mga kongresista para umusad ang impeachment complaint laban kay Duterte.

Nauna nang sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na ‘stupidity’ ang reklamo ni Alejano at agad idineklarang walang porma at walang laman kaya maibabasura agad sa committee level pa lamang ng Kamara.

Read more...