Muling maglulunsad ang transport group na STOP and GO Coalition ng tigil-Pasada.
Gayunman ay wala pang petsa na ibinigay si Jun Magno, pinuno ng grupo kung kailan nila ipatutupad ang transport strike.
Tatlong araw na transport holiday ang kanila ikakasa bilang pagtutol sa nakaumang na implementasyon ng Modernization program sa Jeep ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Dagdag ni Magno, tanging mga nagsusulong lang kasi ng modernization program ang kinausap ng LTFRB at Department of Transportation.
Kinastigo rin niya ang nais ng LTFRB na pautangin ang jeepney operators ng P1.4 Million para palitan ang mga lumang jeepney.
Aniya, hindi tulong na maituturing ang nasabing loan program dahil sa babayaran din nila ito at may interest pa.
Bukod dito, mas mainam din daw kung Jeepney rehabilitation na lamang at huwag Jeepney phase-out ang gawin.
Matatandaang, plano ng LTFRB na alisin na sa kalsada ang mga jeepney na nasa labinlimang taon pataas na ang edad.