Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, ito ay alinsunod na rin sa iminungkahi ni Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na marapat lang maghain ng matinding protesta laban sa China.
Ani pa Aguirre, mas malakas-lakas ang ihahaing protesta ngayon laban sa China sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, dahil sa malinaw na paglabag sa ruling ng international tribunal kaugnay sa pagiging common fishing ground ng Panatag Shoal.
Tiniyak naman ni Aguirre na hinding hindi bibitiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu ng teritoryo sa Panatag Shoal, sa kabila ng nauna nitong pahayag na wala nang magagawa kung nais talaga ng China na magtayo ng pasilidad sa nasabing lugar.
Bukod sa paghahain ng protesta, sinabi rin ni Carpio na dapat magpadala ang pamahalaan ng mga barko at tauhan ng Philippine Navy sa Panatag Shoal.
Sa ganitong paraan, magagamit ng pamahalaan ang Philippine-US Mutual Defense Treaty oras na atakihin ng mga Chinese ang Philippine Navy vessels na nasa South China Sea.