Newspaper publisher, patay sa pamamaril sa Tagum city

newsinfo.inquirer.net file photo

Naisugod at nanatili sa ospital ng walong oras pero nalagutan ng hininga ang publisher ng isang local newspaper sa Tagum City kaninang umaga.

Kinilala ang biktima na si Gregorio Ybanez, publisher ng lingguhang Kabuhayan News Services at presidente ng Davao del Norte Press and Radio-TV club.

Ang biktima ay director din ng Davao del Norte Electric Cooperative.

Base sa ulat ng pulisya, alas 10:25 ng gabi kagabi nang pagbabarilin si Ybanez sa labas ng kanyang bahay sa Barangay Magugpo at agad siyang isinugod sa Bishop Regan Hospital ngunit namatay kaninang alas 6:30 ng umaga sanhi ng apat na tama ng bala sa katawan.

Si Ybanez ang ikalawang mamamahayag na pinatay sa lungsod matapos paslangin si Rogelio Butalid ng Radyo Natin noong December 11, 2013.

Sa text message mula kay Police Supt. Antonio Rivera, tagapagsalita ng Regional Police 11, hindi nito binanggit na mamamahayag ang biktima.

Aniya nagsasagawa na sila ng follow up operations para makilala ang mga salarin at malaman ang motibo sa pamamaslang.

Ayon sa National Union of Jounalists of the Philippines o NUJP, nasa 28 na ang mga mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng Aquino Administration.

Nasa 174 naman ang bilang ng mga mediaman na nasawi mula noong taong 1986. / Jan Escosio

 

 

 

Read more...