Patay ang itinuturong lider ng isang gun-for-hire group matapos manlaban sa mga pulis na aaresto sana sa kanya at sa mga kasamahan nito sa isang police operation na inilunsad sa Bgy. Longos, Malabon, bago mag-tanghali kanina.
Kinilala ni police Sr. Supt Edgar Danao, Deputy District Director for Operation ng Northern Police District (NPD) ang napatay na suspek na si Jong Sangre, lider umano ng ‘Sangre’ group.
Paliwanag ni Sr. Supt. Danao, bukod sa pagiging mga gun-for-hire, sangkot din ang grupo sa pagbebenta ng iligal na droga at iba pang krimen sa CAMANAVA area at karatig-lugar.
Tinangka aniya ng mga otoridad na arestuhin ang grupo na natunton sa isang gusali sa Pampano St., Bgy. Longos ngunit naunang nagpaputok ang mga ito kaya’t gumanti ng putok ang mga pulis.
Walong miyembro pa umano ng naturang grupo ang inaresto ng mga otoridad at isasalang sa kaukulang beripikasyon.
Isang miyembro ng arresting team ang nasugatan matapos tamaan ng bala sa kanyang paa resulta ng operasyon./ Jong Manlapaz