Nasa kustodiya na ng PNP Region 8 si Supt. Marvin Marcos at 19 pang pulis na sangkot sa pagpaslang kay Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Ayon kay Philippine National Police Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, hawak na nila ang kopya ng warrant na lumabas nitong weekend lamang mula sa Baybay, Leyte RTC kung saan isinampa ang kasong murder laban sa mga naturang pulis.
Sa ngayon nasa kustodiya na umano ng PNP CIDG Region 8 sina Marcos at hinihintay na lamang ang return of warrant.
Ipinagpaubaya naman ng PNP sa korte kung saan ikukulong ang mga naturang pulis.
Magugunitang si Espinosa ay napatay sa kanyang selda sa Baybay City Provincial Jail noong November 5 sa paghahain ng search warrant ng CIDG-8 sa pangunguna ni Marcos na nauwi umano sa shootout.
Kasama ring napatay rito ang kapwa preso na si Raul Yap.