Assassination plot laban sa Prime Minister ng Thailand, nadiskubre ng mga otoridad

 

Napigilan umano ng Thailand police ang isang assassination attempt ng isang grupo laban kay Thailand Prime Minister Prayuth Chan-Ocha.

Kinumpirma ni Thai National Police Jakthip Chajinda ang tangkang pagpatay matapos nilang salakayin ang tahanan ng magsisilbing assassin na miyembro umano ng ‘red shirt movement,’ isang anti-junta group na konektado sa exiled leader na si Prime Minister Thaksin Shinawatra.

Ayon sa mga otoridad, nabawi ang bulto-bultong mga armas at bala sa bahay ng ‘red shirt leader’ na si Wuthipong Kochatmakun, na nagtatago sa batas mula nang maganap ang kudeta sa kanilang bansa.

Bukod sa mga baril, granada at bala, siyam katao rin ang dinakip ng mga otoridad.

May isa ring sniper rifle na may ‘scope’ ang natagpuan kasama ng maraming armas na posibleng gagamitin umano sa assassination ng prime minister ayon pa kay Chajinda.

Maliban sa mga armas, wala nang ipinakita pang ibang ebidensya ang Thai police na magpapatibay sa sinasabing assassination attempt.

Taong 2014 nang patalsikin sa pamamagitan ng kudeta ni Chan-Ocha na noo’y dating Army chief ang kapatid ni Thaksin na si Yingluck Shinawatra sa puwesto bilang prime minister ng Thailand.

Read more...