Ipinahayag ni Robredo na noong Pebrero pa ang naturang video message at nagkataon lamang na ginamit sa ika-60 taunang pagpupulong ng UN Commission on Narcotic Drugs sa Vienna, Austia noong March 16.
Sinabi ni Robredo na lingid sa kaalaman niya kung inihahanda na ng Magdalo party-list ang impeachment complaint laban kay Duterte noong Pebrero. Aniya, hindi naman siya kabilang sa partido.
Itinanggi ng pangalawang pangulo na ang video message niya sa UN ay bahagi ng magkakaugnay na hakbang ng umano’y destabilization plot laban sa administrasyong Duterte.
Dagdag ni Robredo, nagkataon lamang na halos sabay lumabas sa media ang naturang video at ang impeachment complaint laban sa pangulo.
Noong Lunes, ipinost ng DRCNet Foundation sa YouTube ang video message ni Robredo sa UN habang noong Huwebes naman isinampa sa Kamara ni Magdalo party-list Representative Gary Alejano ang kaso laban kay Duterte.