Ayon kay Paranaque City Police chief Sr. Supt. Jemar Modequillo, dapat nang limitahan ang oras ng pagtitinda sa gilid ng Baclaran Church.
Ito umano ang pangunahing dahilan ng trapik sa lugar na pinapalala pa ng mga illegal na terminal, at ng mga nagbababa at nagsasakay na pampublikong sasakyan sa mga ipinagbabawal na lugar.
Sa ilalim ng panukala ng Paranaque City Police, isasara ang mga tindahan sa gilid ng simbahan tuwing umaga para madaanan ng mga motorista.
Bubuksan lamang ito tuwing alas diyes ng gabi hanggang alas sais ng umaga kung saan malaya silang makaka-pwesto sa kalsada.
Sa ganitong paraan umano, mababawasan na ang trapik sa Baclaran na matagal nang problema, partikular na sa bahagi ng Roxas Blvd.
Sa ngayon ay makikipagpulong muna sila sa city council para pagusapan ang naturang panukala at kung may mga rerebisahin dito.