De Lima, posibleng masampahan ulit ng kasong kriminal

de limaBinabalak na ng Office of the Solicitor General (OSG) ang posibilidad ng pagsasampa ng panibagong kasaong kriminal laban kay Sen. Leila de Lima.

Ito ay dahil sa umano’y gawa-gawang jurat sa petisyong inihain niya sa Korte Suprema.

Ang jurat ay ang personal na pagpunta sa isang notary public kapag magpi-presenta ng dokumento. Kailangang pirmahan ng indibidwal ang dokumento at manumpa sa harap mismo ng isang notary public.

Gayunman, sa manifestation ni Solicitor General Jose Calida, iginiit niyang “fabricated” ang jurat, dahil sinabi nito na personal siyang humarap sa isang notary public.

Paliwanag ni Calida, ang petsang nakalagay sa petisyon ni De Lima ay sa kasagsagan kung kailan nasa kustodiya na siya ng Philippine National Police (PNP).

Nang usisain ni Calida, napag-alaman niya na wala namang nakalagay sa logbook ng PNP Custodial Center na may notary public na bumisita kay De Lima sa piitan.

Giit ni Calida, isa itong paglabag na may kaukulang parusa sa ilalim ng Revised Penal Code.

Dahil dito, dapat aniyang ituring na “unsigned” o hindi nalagdaan ang affidavit of merit ni De Lima.

Matatandaang naghain ng petisyon si De Lima sa Korte Suprema para ipawalang-bisa ang arrest warrant laban sa kaniya.

Read more...