Nakasaad sa probisyon ng batas na obligado ang mga casino at franchise holders ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) na ibigay ang 5 percent ng kanilang kabuuang buwanang kita sa PSC para sa development budget ng mga atleta ng bansa.
Ngunit sa panayam ng Radyo Inquirer kay Saycon, sinabi niyang ang nagbibigay lang ng kanilang kontribusyon sa PSC ay tanging mga state-run casinos o Casino Filipino.
Ani Saycon, hindi nagbibigay ang iba pang malalaking casino o sugalan ng parte ng kanilang kinikita sa pamahalaan.
Gayunman, ibinunyag ni Saycon na mayroong isang opisyal ng dating Aquino administration na mula aniya sa executive branch, ang kumokolekta ng nasabing 5 percent ng kita ng ilang mga casino ngunit hindi ito ipinapasok sa pondo ng pamahalaan.
Kinumpirma din ni Saycon na bahagi ng mga nasabing dokumento ay may kaugnayan sa isyung umusbong noon na kumokolekta umano si dating Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Alan Purisima ng bilyon pisong halaga ng pera mula sa isang online gaming firm.
Tumanggi na si Saycon na pangalanan ang nasabing opisyal, pati na ang mga casino umano o online gaming firms na nadawit sa mga nasabing dokumento.
Matatandaang nasangkot si Purisima noon sa umano’y pangongolekta ng bahagi ng kita ng First Cagayan Leisure and Resort Corp. (FCLRC).
Kung susumahin aniya, aabot ito sa bilyun-bilyong pisoang kabuuan ng mga nakolekta ng nasabing opisyal ng gobyerno.
Samantala, nang tanungin naman si Saycon kung bakit ngayon lang niya ibinunyag ang mga ebidensyang ito, sinabi niyang hindi niya tiyak kung mapagkakatiwalaan niya ang mga opisyal sa nagdaang administrasyon.
“Hindi ko alam kung sino pagtitiwalaan ko noong panahon na iyon. Paano ko isusumite sa DOJ yan under De Lima eh ang iimbestigahan ay yung boss, yung mga tao na kasama niya, walang pupuntahan iyong kaso. That’s one of the reason why I cannot just surrender it to anyone,” ani Saycon.